MANILA, Philippines — Nagkalat na umano sa merkado ang mga panregalong laruan ng mga bata na may nakalalasong kemikal.
Ayon ito sa grupong BAN Toxics kung kaya nanawagan sila sa mga regulatory agencies ng gobyerno na agarang magsagawa ng inspeksyon at pagkumpiska sa mga itinitindang laruan sa merkado na nagtataglay ng nakalalasong “lead” upang maiwasang malantad ang mga bata na makatatanggap nito bilang regalo ngayong Kapaskuhan.
“We are calling on the Food and Drug Administration (FDA) and the Department of Trade and Industry (DTI) to prevent exposing our children to unsafe toys that may contain toxic chemicals such as lead,” ayon kay Thony Dizon, BAN Toxics Campaign and Advocacy Officer.
Ibinunyag ng grupo na natukoy nila na 41 sa 50 samples na laruan mula sa mga tindahan at sidewalks sa lungsod ng Pasay, Quezon City at Maynila, ang nasuri nila gamit ang Vanta C Series XRF Chemical Analyzer, na nagtataglay ng lead, na nasa 16 parts per million (ppm) hanggang 4,600 ppm ang antas.
Kabilang sa kanilang namonitor simula noong Setyembre ang toy cars and trucks, manika, musical instruments, robots, battery-operated toys, toddler squeaky toys, food-shaped toys, kitchen and dinner sets, makeup set toys, basketball toys, bubble toys, dinosaurs, mini billiards, marbles, at sports toys na pawang walang wastong label,na paglabag sa Republic Act (RA) 10620 (Toy and Game Safety Labeling Act of 2013).