MANILA, Philippines — Isang manhunt operation ang ikinasa ng Philippine National Police (PNP) laban kay dating Spokesperson Harry Roque Mindanao kasunod nang ulat na nagtatago ito sa nabanggit na rehiyon.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo, nakatanggap sila ng report na sa Mindanao nagtatago si Roque dahil marami itong kaibigan sa lugar.
“May mga nakakakilala sa kanya at possibly mas kumportable siya na doon humingi ng tulong. So your guess is as good as mine with respect to his intention bakit doon siya sa lugar na yun tumakbo,” ani Fajardo.
Gayunman, pinaalalahanan ni Fajardo ang mga nagkakanlong kay Roque na posibleng makasuhan ng obstruction of justice dahil sa pagtatago ng wanted na indibiduwal.
Una nang tinungo ng PNP ang Central Luzon at Calabarzon, subalit hindi natagpuan si Roque.
Naniniwala si Fajardo na nasa bansa pa rin si Roque batay sa record ng Bureau of Immigration (BI) bagama’t nakaalis na ng bansa noong Setyembre 3 ang misis nitong si Mylah na dating miyembro ng Board of Trustees of the Home Development Fund (Pag-Ibig).
Naglabas ng arrest order ang Quadcom Committee laban sa mag-asawang Roque matapos na hindi siputin ang pagdinig kaugnay ng imbestigasyon sa operasyon ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.