Kelot utas sa ligaw na bala

MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki nang tamaan ng ligaw na bala habang sakay ng kanyang motorsiklo kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Kinilala ang nasawi na si Christian Jay del Pilar residente ng Ilalim ng tulay, Brgy. Balon Bato, Quezon City.

Sa ulat, nangyari ang insidente, ala-1:30 ng mada­ling araw sa Ilalim ng Tulay ng nabanggit na barangay.

Nabatid na minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo kasama ang iba pang kaibigan na sakay din ng kanilang mga motor nang makarinig ng putok ng baril.

Ayon sa kaibigan ng biktima na si Jen Mark Sanchez, nagulat na lamang sila nang magpagewang- gewang ito at bumangga sa motorsiklo ng isa pa nilang kaibigan hanggang sa bumagsak.

Dito na nila nakita na may tama si Christian ng bala ng baril sa katawan. Itinakbo pa nila sa ospital ang biktima subalit namatay din.

Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung saan nanggaling ang putok.

Show comments