MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mall operators sa National Capital Region (NCR) na ipatupad ang adjusted mall hours simula sa Nobyembre 18 hanggang Disyembre 25, 2024.
Sinabi ni MMDA Chairman Don Artes na iurong sa alas-11:00 ng umaga ang pagbubukas ng mall sa halip na normal operating hours, habang depende na rin sa pamunuan ng mga mall kung hanggang anong oras sila magsasara.
Ani Artes, mas mabuting ma-extend ang oras ng pagsasara upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makapag-stay pa sa mga mall, makapag-grocery o last minute shopping habang nagpapalipas ng oras na lumuwag ang kalsada.
Suportado rin ng mall operators ang pakiusap ng MMDA na huwag magsagawa ng mallwide sale sa loob ng Nov. 18 hanggang Dis. 25, na inaasahang ilang araw pagkatapos ng All Saints Day at All Souls Day na lamang idaos, na nakagawian na sa mga nakalipas na taon. Hindi naman saklaw nito ang store sale o paisa-isang pagsasagawa ng sale sa loob ng malls.
May moratorium o pagsuspinde sa lahat ng road right-of-way excavation activities sa Metro Manila simula hatinggabi ng Nobyembre 18 hanggang hatinggabi ng Disyembre 25.