Naaagnas na bangkay ng Spanish national, nadiskubre

MANILA, Philippines — Nasa state of decomposition na nang madiskubre ang bangkay ng isang Spanish national sa loob ng kanyang tinutuluyang silid sa Port Area, Manila kamakalawa.

Ang biktima ay kinilalang si Kepa Miren Zubitor Sarasota, 58, at nanunuluyan sa Staging area sa Baseco, sa Port Area.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, alas-9:30 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa kanyang silid.

Kasalukuyan umanong naglilinis si Juany Sapuldida, 57, building helper sa 4th level ng Staging Area nang may maamoy na masangsang na nanggaga­ling sa silid ng biktima.

Kinatok umano ni Sapuldida ang pintuan ngunit walang sumasagot doon kaya’t puwersahang binuksan ang pinto at tumambad sa kanila ang nakadapang biktima na naliligo sa sariling dugo.

Hinala naman ng mga imbestigador na may sakit na tuberculosis ang biktima dahilan para sumuka ng dugo na siya nitong ikinamatay.

Show comments