MANILA, Philippines — Nakatakdang ipatawag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang mga dating PNP chief para pagpaliwanagin sa naging papel nila sa anti-drug campaign noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito nang pagbubunyag ni dating Police Lt. Col. at dating PCSO General Manager Royina Garma sa Quad-Committee Hearing ng Kamara noong isang linggo ang patungkol sa “Davao Model” ng war on drugs.
Ayon kay Marbil, sineseryoso nila ang mga paratang na ito ni Garma at ito na rin ngayon ang tinututukan ng nagpapatuloy nilang imbestigasyon.
Binigyang-diin pa ni Marbil na mahalagang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis partikular na sa kampanya kontra iligal na droga kung saan pangunahing prayoridad dito ang karapatang pantao.
Sa naging pagdinig ng Quad-Comm noong Biyernes, idinawit ni Garma si Duterte sa kaliwa’t kanang patayan at isang “high ranking” police official noong panahong iyon ang nag-utos na gayahin ang “Davao City model”.