11 Chinese inaresto sa illegal mining
MANILA, Philippines — Nasa 11 Chinese nationals ang inaresto nang pinagsanib na operatiba ng Bureau of Immigration at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa ginawang raid sa iligal na minahan ng ginto sa Purok-6, Brgy. Tugos, Paracale, Camarines Norte, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Liu We Xi; Chen Gui Hua; Chang Si Ci; Chen Chan Xia; Lui Wei Mang; Yu Yun Lai; Zhen Zi Yu; Li Chun; Jou Zheng Ren; Lou Peng; at Sheng Yuan Fan.
Sa ulat, nakakuha ng impormasyon ang PAOCC at BID na ilang Chinese nationals ang iligal na nagmimina sa lugar at nagtayo pa ng mineral processing plant.
Makaraang makumpirma ang iligal na aktibidad ng mga dayuhan, dakong alas-8:30 ng umaga katuwang ang 5th Special Reconaissance; 1st Scout Ranger Regiment; 16th Infantry Battalion; at 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army ay sinalakay ng mga tauhan ng BID at PAOCC ang minahan at naaresto ang 11 dayuhan na karamihan ay tourist visa lamang ang hawak.
Wala umanong kaukulang permiso at working visa ang mga dayuhan sa bansa at magkaroon ng pagmimina sa lugar.
Maliban dito ay nakitaan pa nang paglabag ang mga dayuhan dahil sa ginagawang open pit mining na mahigpit nang ipinagbabawal sa bansa.
- Latest