PhilHealth pinasalamatan sa pag-apruba ng gamot para sa dialysis patients

Individuals continue to avail services as face-to-face operations and transactions continue at the Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) in Quezon City on September 26, 2023.
STAR / Michael Varcas

MANILA, Philippines — Labis ang pasasalamat si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kasunod nang mabilis nitong tugon sa kanyang kahilingan na pataasin ang presyo ng co­verage ng per session ng hemodialysis para sa mga miyembro ng PhilHealth.

Matatandaang inanunsyo kamakailan ng PhilHealth na ang pac­kage rate ng hemodialysis ay tumaas na sa P6,350 per session mula sa dating P4,000 para sagutin na rin ang mga kailangang gamot habang nasa dialysis session ang pasyente.

Una na ring inatasan ni Speaker Romualdez si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na makipag-ugnayan sa PhilHealth para pataasin ang per session coverage ng PhilHealth sa mga dia­lysis patients para wala na silang ika-cash out habang sumasailalim sa dialysis treatment.

Agad naman tumugon sa hiling ng lider ng Kamara sina PhilHealth President at Chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. at Health Secretary Teodoro Herbosa at inaprubahan ang kahili­ngan ng liderato ng Kamara.

Base sa tala ng Department of Health (DOH), higit isang milyong Pilipino ang may sakit sa bato at 80 porsiyento sa kanila ay nagpapa-dialysis.

Kamakailan din ay tumugon na ang PhilHealth sa kahilingan ni Speaker Romualdez na ilibre na sa mga PhilHealth members ang mga wheelchair, saklay, walker at prescription glasses sa Enero.

Ayon pa kay Speaker, ang naturang adjustment sa dialysis coverage sa PhilHealth ay bahagi pa rin ng programa ni Pangulong Marcos na magbigay ng maayos at libreng health care sa mga mahihirap na Pilipino.

Show comments