Napolcom commissioner dawit sa EJK, nag-resign
MANILA, Philippines — Matapos makaladkad ang kanyang pangalan at madawit sa extrajuidical killings (EJK) ng Duterte administration, nagbitiw sa puwesto si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo, kamakalawa.
Si Leonardo ay una nang pinatawan ng contempt ng Quad Committee ng Kamara de Representantes dahil sa pagsisinungaling sa imbestigasyon ng mega panel sa EJK at mga paglabag sa karapatang pantao sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirna ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., ang pagbibitiw ni Leonardo sa puwesto.
Sa pagdinig ng Quad Comm nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni Napolcom Vice Chairperson Alberto Bernardo na tinanggap na ng kanilang tanggapan ang pagbibitiw ni Leonardo.
Nang matanong naman kung si Leonardo ay sasailalim sa kasong administratibo matapos madawit sa EJK kabilang ang pagpatay sa tatlong pinaghihinalaang Chinese drug lord na nakulong sa Davao Farm and Penal Colony noong 2016, sinabi ni Bernardo na - “I convened the remaining commissioners and I was asking if we would be reporting to the Office of the President, through the SILG (Secretary of Interior and Local Government), that we are supposed to conduct of administrative investigation.”
Sinabi ni Bernardo na kung siya lamang ang tatanungin ay nais niyang sampahan na kaagad ng kasong administratibo si Leonardo pero ayon sa kaniyang mga kasamahang opisyal ay hintayin muna ang mga kaganapan kaugnay ng imbestigasyon ng Quad Comm at kung may lulutang na mga ebidensya laban sa opisyal.
- Latest