MANILA, Philippines — Ipagbabawal na sa mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagsusuot ng jacket sa ibabaw ng uniporme sa pagtungo sa kani-kanilang opisina, sa oras ng trabaho at maging sa pag-uwi sa kanilang tirahan.
Isa lamang ito sa tatlong marching order na ipinatutupad ngayon sa pag-upo ng bagong talagang NCRPO acting regional director na si P/Major General Sidney Sultan Hernia.
Sa kanyang unang Command Conference kasama ang iba’t ibang pinuno ng NCRPO noong Oktubre 9, binigyang-diin ni RD Hernia ang pagpapatibay ng PNP LOI “Tamang Bihis” Policy.
Dagdag pa nito, idiniin niya na ang pagsusuot ng maayos/opisyal na uniporme ay nagsisilbing proactive na estratehiya sa Anti-Criminality Campaign para mapigil ang mga krimen at bilang bahagi ng Internal Police Reform upang maitanim ang disiplina at pagsunod sa mga pamantayan ng PNP.
Layunin ng hakbang na matiyak na ang lahat ng mga opisyal ay madaling makilala sa publiko lalo na sa panahon ng mga emergency at kritikal na sitwasyon. Ang direktiba na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng NCRPO na palakasin ang police visibility, accountability, at professionalism sa buong rehiyon.
Pinag-aaralan na rin ng PNP Directorate for Research and Development ang lightweight jacket na may markang Pulis para magamit ng mga pulis.