MANILA, Philippines — Matapos ang ginawang pasabog ng self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa sa House Quad Committee, plano ni dating Senador Leila de Lima na kasuhan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, matapos siyang makulong ng ilang taon dahil sa pagdidiin sa kanya sa illegal drug trade.
Ang pahayag ni De Lima ay ginawa matapos na ibunyag at aminin ni Espinosa sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quad Comm nitong Biyernes na inutusan siya ni Dela Rosa na idawit ang dating Senadora sa kalakalan ng illegal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) noong siya pa ang Justice secretary.
Ayon kay De Lima, sa panayam sa “Storycon” sa One News, dati pa silang nakatanggap ng impormasyon kaugnay na sangkot si Dela Rosa sa paghahain ng kanyang kaso.
Base aniya sa natanggap niya na impormasyon mula sa mapapagkatiwalaang sources, si Dela Rosa na noon ay hepe ng Philippine National Police ay nangha-harass ng mga testigo, kabilang dito si Kerwin Espinosa para idawit siya bagama’t hindi naman niya na-validate ito.
Kaya dahil sa ibinunyag ni Espinosa, nais ni De Lima na kasuhan si Dela Rosa.
Maliban kay De Lima ayon kay Espinosa, pinilit din siya ni Dela Rosa na idawit sa illegal na droga ang negosyanteng si Peter Lim.
Kaugnay nito, agad namang itinanggi ni Dela Rosa ang mga pahayag ni Espinosa.
Ani “Bato”, hindi ang pulisya, kundi ang Department of Justice (DOJ) ang bumuo noon ng illegal drug case laban kay de Lima.