Paggamit ng ‘mother tongue’ sa Kinder-Grade 3, ititigil na
MANILA, Philippines — Hindi na gagamitin ang “mother tongue” bilang paraan ng pagtuturo sa Kinder hanggang Grade 3.
Ito ay matapos na mag-”lapse into law” ang panukalang batas at tuluyang naging batas ang Republic Act (RA) No. 12027 kaya hindi na kailangan pa ng pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang nasabing batas ay nag-aamyenda sa Enhanced Basic Education Act of 2023 o Republic Act 10533 na nagmamandato sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) program.
Sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013, ang mother tongue ang magiging paraan ng pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3 para mapabuti ang kanilang pag-unawa at literacy.
Nakasaad pa sa RA 12027, na ang medium ng pagtuturo ay babalik sa Filipino hangga’t walang ibang batas na ipinatutupad sa Ingles. Habang ang mga rehiyonal na wika naman ay maaari pa ring gamitin bilang mga pantulong na kagamitan sa pagtuturo.
Ang bagong batas ay nagdadala rin ng opsyonal na pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolinggwal na klase, kung saan ang lahat ng estudyante ay may parehong katutubong wika.
Inaatasan sa batas ang Department of Education (DepEd) para suriin ang opsyonal na pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolingguwal na klase, tatlong taon pagkatapos maging epektibo ang batas..
- Latest