Sundalo tinodas misis, biyenan at driver sa kampo

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang misis, kanyang ina at isang driver nang pagbabarilin ng isang sundalo na mister ng una habang nasa sasakyan sa loob ng kampo ng 5th Infantry Division sa Brgy. Upi, Gamu, Isabela, kamakalawa.

Namatay noon din ang driver na si Rolando Amaba habang idineklarang dead on arrival sina Erlinda Ajel, 35; at nanay na si Lolita Ramos pawang mga residente ng Benito Soliven, Isabela.

Agad na naaresto ang suspek na si Sgt.Mark Angelo Ajel, 32, kasalukuyang nakadestino sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga. Tinanggal na rin ito sa serbisyo.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, alas-2:00 ng hapon nitong Huwebes nang mapansin ni Sgt. Rommel Narag ang isang sasakyan na pumasok ng Camp Melchor Dela Cruz.

Makalipas ng isang segundo ay nakarinig siya nang sunud-sunod na putok ng baril at nang lapitan nila ang sasakyan ay nakita nila ang suspek hawak ang kanyang baril.

Agad namang dinakip ng mga tauhan ng 5th Infantry Division ang suspek at dinala sa pagamutan sina Erlinda at Ramos na binawian ng buhay habang idineklarang dead on the spot naman si Amaba.

Inaalam pa ng mga otoridad ang dahilan ng pamamaril ni Sgt. Ajel dahil hindi pa ito nagbibigay ng kaniyang salaysay.

Una nang nagpaalam si  Sgt. Ajel sa kanyang mga kasamahan na magtutungo lamang ito sa kampo ng 5ID upang mamili ng kanyang mga kakailanganin.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang 6 fired cartridge case at 1 fired bullet ng caliber 9mm pistol.

Nasa kustodiya na ng Gamu Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong parricide at two counts of murder.

Show comments