MANILA, Philippines — Isang panukala ang inihain sa Kamara na nagkaklasipika sa extrajudicial killings (EJKs) na isinagawa ng mga opisyal ng pamahalaan bilang isang uri ng heinous crime.
Ang House Bill (HB) No. 10986 o ang Anti-Extra Judicial Killing Act ay iniakda ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez at Quad Committee Co-chairmen Reps. Robert Ace Barbers, Bienvenido “Benny” Abante, Dan Fernandez at Stephen Joseph “Caraps” Paduano.
Ang paghahain ng panukalang batas ay base sa resulta at rekomendasyon ng Quad Committee na nag-iimbestiga sa EJKs ‘in aid of legislation’ na naglalayong magkaloob ng legal na batayan upang matugunan ang nasabing mga krimen at tiyakin ang pananagutan ng mga sangkot dito.
Sakaling mapagtibay ang panukalang batas, ang EJK ay ikaklasipika bilang heinous crimes na nangangahulugan na sinuman ang mapatunayang guilty ay mapapatawan ng mabigat na kaparusahan ng batas na kinabibilangan ng habambuhay na pagkabilanggo o reclusion perpetua na walang posibilidad ng parole.