Misis ni Harry Roque ipinaaaresto ng Quad Comm

Former presidential spokesperson Harry Roque and his wife Mylah Roque.
Facebook / Harry Roque

MANILA, Philippines — Dahil sa kabiguang dumalo muli sa pagdinig sa isyu ng illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa ay ipinaaresto ng Quad Committee ng Kamara de Representantes si Mylah Roque, ang misis ni dating presidential Spokesman Harry Roque.

Si Mylah sa pagsisimula pa lamang ng ikawalong pagdinig ay agad na pinatawan ng contempt matapos balewalain ng ilang beses ang subpoena ng Quad Comm upang pagpaliwanagin sa papel nito sa pag­lagda sa lease agreement sa isang Chinese nationals na isinasangkot sa POGO complex sa Bamban, Tarlac.

Una namang pinalagan ni Mr. Roque ang pagsu-subpoena ng mega panel sa kaniyang Statement of Lia­bilities and Net Worth (SALN), tax returns at maging sa mga dokumento ng kaniyang mga ari-arian sa katwirang wala umano itong kinalaman sa imbestigasyon.

Pinatawan rin ng Quad Comm ng contempt si P/Senior Master Sgt. Jeremy Causapin, ang pulis na ­naging  tauhan ni dating Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) Chairwoman Col. Royina ­Garma na inuutusan ng huli na magpapalit ng malaking halaga ng pera ng Pilipinas sa dolyar na ipinadadala sa dati nitong mister na si Col. Roland Vilela noong military attache pa ang huli sa Estados Unidos sa kasagsagan ng giyera kontra droga. Ang transaksyon ay nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P 300,000.

Una na ring sinibak ng PNP si Causapin kaugnay ng pagkakadawit nito sa pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga na inambush sa Mandaluyong City noong Hulyo 2020 sa utos ng itinuturong mastermind na si Garma at ng nagbitiw na si NAPOLCOM Commissioner Edilberto ­Leonardo.

Show comments