Guo posibleng gumamit ng pribadong airstrip sa pag-eskapo – BI
MANILA, Philippines — Inihayag ng Bureau of Immigration na maaring gumamit ng pribadong airstrip sa Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang lumipad patungo sa Malaysia noong Hulyo.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, sa ginawa umano nilang pag-aanalisa ay lumalabas na hindi umano sa isang major international airport o seaport umalis si Guo.
Ang naturang pahayag ni Sandoval ay taliwas sa mga naunang sinabi ni Guo na umalis siya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga bangka.
Sinabi ni Sandoval na ang mga pribadong airstrip ay karaniwang pinamamahalaan ng isang ground handler na nagpapaalam at humihingi ng mga clearance mula sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Giit pa ni Sandoval, mahaharap sa mga reklamo ang mga tumulong kay Guo sa pag-alis nito ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Immigration Commissioner Joel Viado sa pagdinig ng Senado na pumasok si Guo sa Malaysia sa pamamagitan ng flight na lumapag noong Hulyo 18 sa gitna ng imbestigasyon laban sa kanya na kinasasangkutan ng mga ilegal na POGO.
- Latest