MANILA, Philippines — Nasakote ng mga otoridad ang isang 23-anyos na lalaki na binansagang “cryptocurrency scam king” na nanloko ng aabot sa P600 milyon mula sa kanyang mga biktima sa pamamagitan ng investment scam.
Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) National Capital Region (NCR) director Col. Marlon Quimno na ang suspek na si alyas “Joshua”, ay naaresto sa Barangay San Juan, Noveleta, Cavite nitong Lunes ng alas-8:00 ng gabi.
Ang suspek ay may dalawang warrant of arrest na inisyu ng mga lokal na korte sa mga lungsod ng Makati at Parañaque para sa estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code.
“Ito ay hindi lamang isang simpleng cryptocurrency scam. Ginagamit din niya ang pera sa mga casino. Mang-eengganyo siya ng mga biktima at pagkatapos ay hindi niya ibabalik ang pera. Ito ang dahilan kung bakit ito ay isang malaking kaso at ito ay naiulat dati ng media at ang mga biktima ay kilalang personalidad sa media, mga opisyal ng pulisya at mga empleyado ng gobyerno na naging biktima wika ni Quimno.
Sinabi ni Quimno na plano nilang sampahan ng kasong large scale estafa ang suspek na isang non-bailable offense.
Ang cryptocurrency investment scam ay isang modus ng mga scammer na umaakit sa mga investor na mag-invest ng pera para sa isang huwad na pamumuhunan.