MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Navy na binomba ng Chinese vessel ng water cannon ang isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) sa West Philippine Sea (WPS).
“Yes, we were informed of a water cannon incident in Bajo de Masinloc by the Chinese Coast Guard vessel towards a BFAR vessel,” pahayag ni Philippine Navy spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa isang press briefing.
Base sa Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office, natanggap ang impormasyon hinggil sa insidente nitong Martes ng umaga.
“Because of that, we would like to politely defer to the BFAR for their official statement on the issue,” dagdag ni Trinidad.
Sinabi ni Trinidad na lubhang nakakabahala ang nasabing insidente kaugnay ng patuloy na pambu-bully ng Chinese CCG at militia vessels sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.
Una nang nasangkot ang China sa pambu-bully sa BFAR aircraft kung saan nan-laser pa ang mga Chinese Coast Guard (CCG) sa mga BFAR personnel sa bahagi rin ng Bajo de Masinloc.
Inihayag naman ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson ng AFP na ang patuloy na illegal na presensya ng Chinese vessel sa WPS ay lantarang pambabalewala sa 2016 Arbitral ruling at paglabag sa soberenya at karapatan sa soberanya kung saan panahon na para imodernisa ang kapabilidad sa depensa at seguridad ng AFP.