MANILA, Philippines — Nagpaalala kahapon ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato hinggil sa huling araw ng paghahain ng kanilang kandidatura para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon sa Comelec, mayroon na lamang hanggang ngayong Martes, Oktubre 8, ang mga kandidato upang ihain ang kanilang Certificates of Candidacy (COC) para sa posisyon na nais nilang takbuhan sa eleksiyon.
Sinabi ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco na sa ikapitong araw ng COC filing kahapon, Oktubre 7, ay dumagsa na ang mga kandidatong naghain ng kandidatura sa pagka-senador at party-list groups.
Sa datos ng Comelec hanggang 6:00 PM ng Lunes ay nasa 49 na ang senatorial aspirants na naghain ng COC o mayroon nang kabuuang 127 senatorial candidates.
Nasa 50 naman ang mga grupong naghain ng kandidatura kahapon kaya’t umaabot na sa 137 ang mga grupong lalahok sa party-list race.
Inaasahan naman aniya ng poll body na magiging mas abala sila ngayong araw dahil sa muling pagdagsa ng mga kandidatong hahabol sa last day ng COC filing.