3 NPA rebels todas sa Lanao encounter

MANILA, Philippines — Napatay ang tatlong pinaghihinalaang mi­yembro ng mga rebeldeng  New People’s Army (NPA) nang makasagupa ang tropa ng Joint Task Force (JTF) Zampelan sa Sitio Bagong Silang, Brgy. Malna, Kapai, Lanao del Sur, ayon sa opisyal ng militar nitong Lunes.

Sa report, sinabi ni Major Orlando Ayllon Jr., Acting Chief Public Information Office ng AFP-Westmincom (Western Mindanao Command) ang mga napaslang na rebelde ay mula sa Dispatch Team ng Sub-Regional Committee 5 (src-5), North Central Mindanao Regional Committee na kinilalang sina Rochie Singaman alyas Ka Mogul; Wendy Luis alyas Cris/Haber; Hernan Gaina­lang alyas Ren/Asero na pinamumunuan ni alyas Drags/Pio/Mobaks.

Ayon kay Ayllon, nagsasagawa ng military ope­rations ang mga element ng JTF ZamPeLan (Zamboanga Peninsula, Lanao) sa bisinidad ng nasabing lugar, alas-11:45 ng gabi nitong nakalipas na Sabado nang masabat ang grupo ng mga rebelde.

Agad nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng tatlong rebelde.

Nakumpiska sa encounter site ang apat na matataas na kalibre ng armas na kinabibilangan ng dalawang M16 rifles, isang M653 rifle at isang M14 rifle.

Show comments