Sekyu aksidenteng na-shotgun ng kabaro, dedo

MANILA, Philippines — Isang sekyu ang namatay noon din dahil sa tama ng bala sa leeg nang aksidente umanong pumutok ang shotgun ng kabaro nang matumba sa pagkasandal sa guard house, naganap kamakalawa ng hapon sa Camella Bucandala, Brgy. Bucandala 4, Imus City, Cavite.

Kinilala ang nasawing biktima na si SG Binlo Mapa habang ang suspek na si alyas Rolando ay agad na inaresto ng mga otoridad.

Sa ulat, bago nangyari ang aksidente, ala-1:45 ng hapon ay kapwa naka-duty ang biktima at suspek sa guard house ng subdivision nang isandal umano patayo ng huli ang shotgun na may Serial Number PP 503-S6 nang aksidente itong dumulas at bumagsak dahilan upang pumutok ito at tumama sa leeg ng biktimang si Mapa.

Bumulagta ang biktima at naitakbo ng suspek sa pagamutan, subalit hindi na ito naisalba pa sanhi ng malalang tama sa leeg nito.

Ang suspek ay sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Show comments