COC ni Guo tatanggapin pero kailangan ng TRO – Comelec
MANILA, Philippines — Kung naisa maipagpatuloy ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang kanyang reelection bid ay kailangan nito ng temporary restraining order (TRO).
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, tatanggapin nila ang ihahaing certificate of candidacy (COC) ni Guo para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Gayunman, babala ni Garcia, maaari pa ring madiskuwalipika si Guo kung hindi siya makakakuha ng TRO.
Ipinaliwanag ni Garcia na may sapat na basehan upang madiskuwalipika si Guo sa pagtakbo sa eleksiyon.
Kabilang aniya dito ang deklarasyon ng pagiging nuisance candidate, petisyong humihiling na makansela ang kanyang COC dahil sa edad at citizenship, at ang desisyon ng Office of the Ombudsman na ipatupad ang perpetual disqualification mula sa paghawak ng puwesto sa pamahalaan.
Si Guo ay nahaharap sa kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa Philippines Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan at kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail.
- Latest