Duterte bet bumalik bilang Davao City mayor, Baste posibleng vice mayor
MANILA, Philippines — Balak umanong tumakbo si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde ng Davao City at ka-tandem ng anak na si incumbent mayor Sebastian Duterte.
Sinabi pa ni Digong na hindi niya maaaring ipagpatuloy ang isang pambansang kampanya dahil sa kanyang edad, sa gitna ng mga panawagan na tumakbo siyang senador sa 2025 midterm elections.
Nauna nang sinabi ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na tatakbo sa Senado ang nakatatandang Duterte kasama sina Sebastian at Davao City Rep. Paolo Duterte.
Itinanggi naman niya ito at sinabing nagbibiro lamang ang anak na babae.
“Anong gagawin namin sa Senate… Anong gagawin namin doon?” aniya.
Iginiit din niya na wala na siyang kapital o pondo sa politika pagkatapos ng kanyang termino noong 2022.
“Hindi na ako babalik ng politika. Tapos na po ako. Laos na ako. Wala na akong panggastos, wala na lahat. Ang naiwan sa akin siguro yabang,” ani Duterte.
Matatandaan na bago naging Presidente noong 2016, ilang beses na ring hinawakan ni Duterte ang pagkaalkalde ng Davao City.
- Latest