DQ vs Guo ilalabas ngayong Oktubre – Comelec

Comelec Chairman George Garcia says the agency is working on a budget proposal for the 2025 elections, during a press conference yesterday at the Comelec main office in Intramuros, Manila.

MANILA, Philippines — Bago matapos ang buwan ng Oktubre, maglalabas na ng rekomendasyon ang Commission on Elections (Comelec) sa “misrepresentation case” ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay sa ipinataw na “perpetual disqualification” ng Office of the Ombudsman.

“Basta bago matapos ang October 30, the Comelec will have a recommendation. Hindi lang sa kanya (Guo), kundi sa napakaraming natanggap kami na decision ng Ombudsman,” ani Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Biyernes.

Sinabi ni Garcia na natanggap na ng poll body ang kautusan ng Ombudsman na tuluyang diniskwalipika si Guo sa paghawak ng public office na maaari na nilang ipatupad.

Kabilang sa pagbabatayan para matanggal ang isang kandidato kung idineklara bilang isang “nuisance candidate”, nahaharap sa reklamo ng misrepresentation o iniutos ng Ombudsman na tuluyang madiskuwalipika sa paghawak ng pampublikong tungkulin.

Nilinaw niya na hindi na kailangan pang hintayin ng Comelec ang magiging desisyon sakaling may apela sa Mataas na Hukuman tungkol sa kautusan ng Ombudsman.

“Mukha ho kasing may ibinigay sa amin na desisyon ang Office of the Ombudsman patungkol sa kanya (Guo)... as far as the Comelec is concerned, we will enforce or implement the Ombudsman’s decision,” dagdag ni Garcia.

Bukod kay Guo, may mga opisyal pa sa iba’t ibang lalawigan ang may disqualification case na dinidinig ng Comelec.

Show comments