Lalaking nanghalay ng 15 babae, arestado
Mga nakilala sa Facebook…
MANILA, Philippines — Isang lalaki na nag-aalok umano sa social media ng trabaho sa mga kababaihan na nauuwi sa panggagahasa ang inaresto ng mga otoridad nitong Miyerkules sa isang ospital sa Ermita, Maynila, kamakalawa.
Kinilala lang sa alyas na ‘Mario,’ 38, ng Caloocan City na tinaguriang ‘serial rapist,’ matapos umaming nakapambiktima na ng mula 10 hanggang 15 bebot.
Siya ay inaresto sa Philippine General Hospital sa Taft Avenue, Ermita, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Manila Metropolitan Trial Court at Manila Regional Trial Court para sa patung-patong na mga kasong rape, attempted rape, light threats, robbery, at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nabatid na modus operandi ng suspek na alukin ng trabaho sa social media ang mga biktima ngunit sa halip na bigyan ng pagkakakitaan ay ginagahasa ang mga ito.
Pinapupunta umano ng suspek ang biktima sa kuwarto ng isang hotel kung saan naghihintay umano ang babaeng recruiter.
Dito ay dinudroga ng suspek ang mga biktima kaya’t nagagawa ang gusto sa mga ito.
Hina-hack din umano ng suspek ang social media account ng mga biktima at ipinadala sa mga kaanak at kaibigan nito ang mga hubad nilang larawan at video para magkapera.
Nakapiit na ang suspek at walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Napag-alaman ng pulisya na mayroong pitong warrant of arrest ang suspek sa mga kasong ilegal na droga, pagnanakaw, panggagahasa at child abuse.
- Latest