MANILA, Philippines — Nakapagtala ng pinakamalaking pagbagsak ng trust at approval rating sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) noong nakaraang buwan si Vice President Sara Duterte kung ikukumpara sa ibang opisyal.
Nakapagtala rin naman ng pagbaba ng ratings sina Pang. Ferdinand Marcos Jr., Senate Pres. Francis ‘Chiz’ Escudero at House Speaker Martin Romualdez noong Setyembre, ngunit bahagya lamang ito at kapansin-pansin na tanging ang rating ni VP Sara ang malaki ang isinadsad.
Batay sa Pulse Asia Survey, bumaba ang trust rating ni VP Sara ng 10 puntos na mula 71% noong Hunyo, ay nasa 61% na lamang.
Nasa 10 puntos din ang ibinaba ng trust rating ni VP Sara sa SWS ngayong Setyembre, mula 65% noong Hulyo 2024 at ngayon ay naging 55% na lang.
Nasa siyam na puntos naman ang ibinagsak ng approval rating ni VP Duterte sa Pulse Asia Survey mula 69% noong Hunyo at ngayon ay 60% na lang.
Gayunman, pinakamalaki ang ibinagsak ng approval rating ng bise presidente sa National Capital Region (NCR), na umabot ng 28 puntos, o mula sa 64% noong Hunyo, ngayon ay 36% na lang.
Sa tantiya ng ilan, maaaring ang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa intelligence at confidential fund ni VP Sara ang siyang dahilan ng pagsadsad ng ratings nito.