Mister, tinodas ng dating dyowa ng ka-live in

MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng dating mister ng kanyang live-in partner, naganap kamakalawa sa Taytay, Rizal.

Naisugod pa sa Rizal Provincial System Hospital ang biktimang si alyas ‘Rommel Remigio’ ngunit nasawi rin bunsod ng tinamong mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nakatakas at pinaghahanap na ng mga otoridad ang suspek na si alyas ‘Orly.’

Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, alas-6:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa tapat ng bahay ng biktima sa Avocado St., Brgy. San Juan, Taytay.

Bago ang krimen ay nakaupo lamang ang biktima sa loob ng kanyang tricycle na nakaparada sa tapat ng kanilang tahanan.

Maya-maya ay duma­ting ang suspek at sa hindi batid na kadahilanan ay kinumpronta ang biktima tungkol sa relasyon nito sa kanyang dating misis.

Nauwi ito sa mainitang argumento hanggang sa bumunot ang suspek ng patalim at agad na pinagsasaksak ang biktima na duguang humandusay sa kalsada at mabilis na tumakas. Hinala ng pulisya na selos ang motibo ng pagpatay ng suspek sa biktima.

Show comments