MANILA, Philippines — Sisimulan na sa susunod na linggo ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng gun ban at pagbawi sa security detail ng mga kandidato para sa 2025 Mid-Term Elections.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, magpupulong sa susunod na linggo ang komite na mangangasiwa sa implementasyon ng gun ban at security preparations para sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni Marbil na magsisimula ang election period kaya kailangan na gawin ang ilang adjustment upang maayos na maipatupad ang gun ban.
Binigyan diin naman ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo na sisimulan ang pagbawi sa security detail ng mga kandidato sa sandaling matapos ang filing ng Certificates of Candidacy (COC) sa Oktubre 8.
Kailangan na munang malaman ng PNP mula sa Comelec ang mga kandidato na mayroong police security at ilan ang nakatalaga sa mga ito.
Ililipat din ng assignment ang mga pulis na matutukoy na may kamag-anak na tatakbo sa kanilang kasalukuyang destino upang maiwasan ang pagkakaroon ng impluwensya.
Pagaganahin din ng PNP, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Joint Peace and Security Coordinating Center na siyang tutukoy kung may pangangailangan sa isang kandidato na mabigyan ng protective security.