MANILA, Philippines — Inaresto ng pulisya ang limang kawani ng credit card management nang hatakin ang sasakyan ng isang lalaki na pinaniniwalaang may utang nitong Lunes ng gabi sa Las Piñas City.
Kinilala ang mga inarestong suspek na sina alyas “Floyd”, 26; alyas “Napoleon”; alyas “Jefferson”, 27, kapwa mga collection agent; alyas “Jeric”, 27, helper; at alyas “Jaime”, 55, driver.
Sa ulat, dakong alas-8:22 ng gabi ng Setyembre 30, 2024, isang sasakyan ang puwersahang kinuha sa Barangay Talon Tres, Las Piñas City.
Humingi ng saklolo sa pulisya ang complainant na si alyas “Angelo”, 42, nang pwersahang kunin sa kaniyang bahay ng grupo ang kanyang Suzuki Alto.
Nang respondehan ng mga pulis at hiningan ng dokumento ang grupo sa kanilang towing operation ay bigong magprisinta ng anumang papel kaya sila dinakip at itinurn-over sa Anti-Carnapping Section (ANCAR) ng Las Piñas City Police Station.
Reklamong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti Carnapping Act of 2016) ang isinampa laban sa mga naarestong suspek na kasalukuyang nakakulong sa Las Piñas City Custodial Facility.