Guro, 2 alagang aso dedo sa tuklaw ng cobra

MANILA, Philippines — Isang gurong babae ang natuklaw ng cobra sa likurang bahagi ng kanilang bahay sa Brgy. Sta. Maria, Presentacion, Camarines Sur, kamakala­wa ng tanghali.

Nadala pa sa St. John Hospital sa bayan ng Goa ang biktima na kinilalang si Titser Maria, ng Lagha Elementary School, pero idineklarang dead on arrival.

Sa ulat, alas-12:00 ng tanghali ay narinig umano ng biktima mula sa likod ng bahay ang dalawa niyang aso na nagkakahulan at inakala nitong gutom na kaya pinuntahan para pakainin nang bigla na lang siyang tuklawin ng cobra sa ibabang bahagi ng binti.

Agad rumesponde ang mga kapitbahay sa palahaw ng biktima at napatay ang ahas.

Binigyan muna ng CPR ang nawalang malay na biktima sa rural health unit saka isinugod sa pagamutan pero hindi na ito umabot nang buhay makaraang magkaroon ng cardiac arrest dahil sa pagkalat ng kamandag sa kanyang katawan. Patay rin sa tuklaw ng cobra ang dalawang alagang aso.

Show comments