MANILA, Philippines — Patay ang anim na katao matapos sumiklab ang sunog sa isang tatlong palapag na tahanan na may penthouse sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Hindi pa pinangalanan ang nasawing mga biktima na kinabibilangan ng dalawang babae, na nagkaka-edad ng 29 at 19; dalawang lalaki, na nagkaka-edad ng 21 at 31; at dalawang batang lalaki, na 6 na buwang gulang at 1-taon at 10-buwang gulang.
Kabilang naman sa nasugatan ay si Raymer Valisno, 46, at Ray Ann Pardilla, 21, na kapwa isinugod sa pagamutan dahil sa tinamong mga sunog at paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Department (BFP), alas-4:32 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan na matatagpuan sa Camba Extension, kanto ng Ariaran St., Tondo at pagmamay-ari ng isang Elizabeth Valisno.
Mahimbing pa umanong natutulog ang mga residente nang sumiklab ang apoy kaya’t hindi kaagad nakalabas sa kanilang tahanan, na nagresulta sa kanilang pagkasawi.
Problema umano sa kuryente ang isa sa tinitingnang dahilan nang pagsiklab ng apoy, na umabot lamang sa unang alarma bago naideklarang under control, alas-5:23 ng madaling araw, at tuluyang naapula, alas-5:40 ng madaling araw.
Wala namang ibang tahanan na naapektuhan ng sunog, na tumupok sa tinatayang aabot sa P50,000 halaga ng mga ari-arian. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.