MANILA, Philippines — Isang lalaki na nagpakilalang tauhan ng Bureau of Immigation (BI) na nagpa-selfie kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang inaresto matapos madiskubre na ito ay peke at nahulihan ng baril naganap noong Lunes sa mismong opisina ng DOJ chief.
Nabatid na ang nagpakilalang tauhan ng BI ang suspek ang pumasok sa tanggapan at nakipag-selfie kay Remulla.
Nang iberipika ay nadiskubre na hindi ito konektado o empleyado ng BI dahilan upang pigilin at arestuhin at ang isa pang lalaking kasama niya ay natukoy din na may dalang baril na hindi lisensyado.
“This guy is a scammer, pero let’s look where the case reaches, kasi isa-isa lang, sa ngayon illegal possession of firearm pa lang ang kaso,” wika ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na mas mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ngayon sa DOJ compound matapos ang insidente.
“Ang problema natin sa bansa kasi itong selfie selfie, eto yung nagiging record ng maraming tao, pa-picture nang pa-picture, sometimes it’s not good anymore talaga,” ani Remulla.
Matatandaang kamakailan ay naging isyu na ang “selfie” nang batikusin ang nag-viral na pakikipag-selfie ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI), nang sunduin si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Indonesia.