MANILA, Philippines — Kapwa idineklarang dead-on-arrival ang isang barangay chairman at anak nitong lalaki matapos na sila ay pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek habang bumabagtas sa national highway na sakop ng Brgy. Lapting, San Juan, Ilocos Sur, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina Punong Barangay Bello Joseph Valorozo, 52-anyos; at anak na si Jumar Valorozo, 24, binata at kapwa residente ng Brgy. Caronoan, San Juan, Ilocos Sur.
Sa ulat, nakasakay ng Mitsubishi mv 1000 van ang mag-ama at binabagtas ang national highway nang dikitan sila ng mga suspek na nakasakay ng motorsiklo at walang kaabug-abog na pinagbabaril.
Ang mag-ama ay parehong nagtamo ng mga gunshot wound sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Isinugod sa Suero General Hospital ang matandang Valorozo ngunit idineklarang patay samantalang ang anak nito ay dinala naman sa Pira Hospital sa Cabugao, Ilocos Sur at pagkatapos ay inilipat sa Northside Doctors Hospital sa Bantay, Ilocos Sur subalit namatay din.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin.