MANILA, Philippines — May sapat ang mga basehan at dahilan upang ma-impeach si Vice Presidente Sara Duterte, subalit kulang sa panahon.
Ito ang paniniwala ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na mas makabubuti kung sa susunod na Kongreso na ihain ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang impeachment kay Duterte.
Ani Gadon, hindi na matutukan ng Kongreso ang impeachment case dahil filing na ng candidacy at kampanyahan na.
“In a few days, election season na, in a few days filing of candidacy na, and in a few weeks mag-December na, recess na, and a few weeks after mag resume sa January mag recess uli for the campaign period, then mag adjourn na,” ani Gadon.
Sa kabilang banda, inihayag naman ng Bayan na nararapat ang ma-impeach si Sara upang mapanagot ito sa mga nasayang na pondo ng kanyang tanggapan.
Sinabi ni Bayan secretary general Mong Palatino, ang pagtanggi pa lamang ni Duterte na sagutin ang mga katanungan ng Kongreso sa kanyang paggamit ng confidential fund (CF) ay malakas na basehan na ng impeachment.