MANILA, Philippines — Namatay noon din sa lugar ng pinangyarihan ang isang tricyle driver nang siya ay pagbabarilin ng dalawang lalaki habang nagmamaneho sa kalye na sakop ng Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang nasawi na si Jay Ilano, residente ng Rodriguez, Rizal, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Blackmask” at kasama nito na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Sa ulat, alas-4:10 ng hapon ay nagmamaneho ang biktima ng kanyang tricycle at pagdating sa Riverside ng nasabing barangay ay sumulpot ang dalawang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ang una.
Agad nasawi ang biktima habang ang mga suspek ay tumakas sa direksyon ng Rodriguez Highway.