25 na ang nasawi sa 4 bagyo, habagat - NDRRMC
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pumalo na sa 25 katao ang iniulat na nasawi sa magkakasunod na bagyong Ferdie, Gener Helen, Igme na pinalakas pa ng habagat.
Ang mga nasawing itinatala ng NDRRMC bago kumpirmahin ay kinakailangan pa ng sertipikasyon ng Department of Health (DOH).
Ayon sa NDRRMC, anim ang nawawala at patuloy na pinaghahanap habang tatlo naman ang naitalang nasugatan.
Ang kalamidad ay nakaapekto sa 387,755 pamilya o katumbas na 1,449,333 katao sa matitinding mga pagbaha at ilang insidente ng landslide dulot ng malalakas na mga pag-ulan.
Nasa 5,783 namang pamilya o kabuuang 23,512 indibidwal ang pansamantalang nanuluyan sa 199 evacuation centers habang ang iba pa na nasa 11,788 pamilya o nasa 50,685 katao ang nakituloy pansamantala sa kanilang mga kamaganak at mga kaibigan sa matataas na lugar.
Naitala naman sa 122 kalsada at 14 mga tulay sa buong bansa ang naapektuhan ng masamang lagay ng panahon.
Iniulat pa ng NDRRMC na ang pinsala sa agrikultura partikular na sa mga pananim ay nasa P600 milyon.
- Latest