MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ang turnover ng 28 mobile clinics na may tatak na Bagong Pilipinas para sa 28 probinsya sa Mindanao sa isang seremonya sa Manila North Harbor Port.
Ang mga bagong mobile clinic ay bilang pagtupad sa pangako ng administrasyon na palakasin ang sektor ng kalusugan sa buong bansa lalo na sa mga lugar na mahirap marating ng serbisyo ng gobyerno.
Sa ginanap na seremonya, ipinamahagi ng Pangulo at ng Unang Ginang ang Deed of Donations sa 28 recipients na mga lalawigan at sinaksihan ang send-off ng Unang 14 na mobile clinics patungong Cagayan de Oro sa pamamagitan ng Roll-On Roll-Off (roro) na sasakyan.
Ang destinasyon ng mobile clinics ay regions 9, 10, 11, 12, 13 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Hangad din aniya ng gobyerno na maibigay ang serbisyong pangkalusugan sa mga malalayong lugar para maiwasan o maagapan ang mga sakit tulad ng tuberculosis, diabetis, bato at iba pa.