MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang 24 na mga nagsilbi bilang PNP chief kung mayroon sa kanila ang umano’y tumanggap ng monthly payroll mula sa operasyong ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ang kinumpirma ni PNP chief, Gen. Rommel Marbil habang binubusisi ng Senado ang panukalang pondo ng kanilang ahensya.
Ayon kay Marbil, hindi nila ikinalugod ang isiniwalat ni PAGCOR Senior Vice President for Security Retired General Raul Villanueva lalo na’t under oath o sumumpa ito sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children.
Kailangan aniyang linawin ito ni Villanueva dahil nakaaapekto ito hindi lamang sa buong hanay ng pambansang pulisya kundi maging sa peace and order ng organisasyon.
Sa ngayon aniya ay wala pa silang natatanggap na ulat mula kay Villanueva ngunit susulat na sila sa opisyal para hilingin na pangalanan na ang umano’y PNP chief na tumanggap ng payola mula sa operasyon ng POGO o kaya ay linawin mismo sa Senado kung wala talagang sangkot.
Sinabi naman ni Local Government Secretary Benhur Abalos wala siyang alam sa pinalutang ni Villanueva.
Gayunpaman, nais malaman ni Abalos kung sino ang tinutukoy ni Villanueva na hepe ng PNP na tumatanggap ng payola mula sa POGO.