Tumangging sumumpa bilang resource person
MANILA, Philippines — Muling humarap sa pagdinig ng Kamara si Vice President Sara Duterte ngunit tumanggi itong manumpa sa pagdinig ng House Committee on Good Government.
Sa unang araw ng paggulong ng imbestigasyon, inatasan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, Chairman ng panel ang Committee Secretary na panumpain muna ang mga invited resource persons mula sa Office of the Vice President, Department of Budget and Management at Commission on Audit (COA).
Kinuwestyon ni VP Sara ang komite kung bakit siya kailangang manumpa gayung siya ay inimbitahan bilang resource person at hindi isang testigo o person with interest na siyang naging dahilan upang ilang beses na pansamantalang suspendihin ang pagdinig.
Ipinaliwanag pa ni VP Sara na: “What you are witnessing now is no ordinary legislative inquiry. This exercise is well funded, coordinated and political attack. This much is evident from the very words of this privilege speech that prompted this inquiry, a speech that simply meant to say, ‘do not vote for Sara on 2028’.”
Nakakuha naman ng kakampi si VP Sara kay dating Pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo, kaalyado ng mga Duterte na sinuportahan ang paninindigan ng Bise Presidente sa isyu.
Hindi napilit ng komite na manumpa ang pangalawang pangulo at sa halip ay binigyan ito ng pagkakataon na magsalita.
Humingi rin ng isang minutong recess si VP Sara saka dito’y nilapitan at may ibinulong kina Rep. Macapagal Arroyo at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na kapwa nito mga kaalyado sa Kamara.
Binigyang diin ni VP Duterte na wala siyang ginawang mali, walang nawaldas na pondo at kung meron man aniyang findings sa auditing ay sasagutin niya ito sa tanggapan ng Commission on Audit at pagkatapos ay umalis na ito sa Kamara.