PNP probe ikakasa vs ex-PNP chief na tumanggap ng payola kay Guo
MANILA, Philippines — Magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pahayag ng isang tauhan ng PAGCOR na mayroon umanong dating PNP chief na tumulong sa pagtakas sa grupo ni Alice Guo at tumatanggap pa umano ng buwanang payola sa iligal na POGO ng dating alkalde.
Ito ang sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Major General Leo Francisco.
Ayon kay Francisco, mayroon ng instruction si PNP chief General Rommel Francisco Marbil na siyang tumingin ng mga pahayag ni retired Gen. Raul Villanueva, Senior Vice President ng Security and Monitoring Cluster ng PAGCOR at dating commander ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Sinabi kasi ni Villanueva na isinagawang Senate hearing kahapon na mayroong dating PNP chief ang tumulong sa grupo ni Guo sa kanilang pagtakas at tumatanggap din ng monthly payola sa iligal na POGO ng dating alkalde.
Nagpapunta na si Francisco ng ilang tauhan upang makipag-coordinate kay Villanueva para magkaroon ng impormasyon hinggil sa naging pahayag nito kahapon sa senate hearing.
Ayon pa kay Francisco na kailangang malaman ang katotohanan dahil nakataya ang imahe ng PNP kaya gusto niyang siyasatin ito ng mabuti upang malaman ng publiko na hindi nagkakanlong ang kapulisan ng ganitong klaseng mga kasama.
- Latest