MANILA, Philippines — Naaresto na ng mga otoridad ang hinihinalang drug ring leader at limang kasamahan nito na nagpakilalang ‘pulis’ sa pagpatay sa isang food Panda delivery rider at malubhang sugatan ng kanyang live-in partner sa Carmona, Cavite, sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Lauren James Hilario, na may ilang alyas bilang Boss, Donald, Boss D at LJ Santiago; limang kasama na kinilalang sina Jonald Garcia; Dominic Enguio; Nasroden Apdal; Ryan Dela Cruz; at Ronald James Sotolombo.
Si Hilario ang itinuturong utak sa likod ng pagdukot at pagpatay sa delivery rider ng Food Panda na si John Mark Cruz Samonte, alyas Michael Angelo John De Guia at pagkasugat ng kanyang live-in partner na si Marithe Ashley Tila.
Si Hilario ay isa ring lider ng remnant drug group na kumikilos sa Pasay City at kalapit na lugar sa Carmona City, Cavite.
Nabatid, alas-5:30 ng hapon nitong Sabado nang salakayin ng mga otoridad ang pinagtataguan ng mga suspek sa entertainment city sa Barangay Tambo.
Isang criminal complaint na may murder at frustrated murder ang nakatakdang ihain sa prosecutor office ng Tanauan, Batangas laban kay LJ at limang kasama.