MANILA, Philippines — Umabot na sa 18 ang kumpirmadong kaso ng Mpox (dating monkeypox) sa Pilipinas matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) ng tatlo pang bagong kaso.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, naitala ang mga bagong kaso hanggang noong Agosto 18 at ang mga bagong pasyente ay pawang lalaki na mula sa Calabarzon.
Sa nasabing bilang, limang pasyente na ang nakarekober habang ang 11 kaso pa ay kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman ni Herbosa na kaagad nakapag-isolate ang mga pasyente at wala nang naihawa pang iba.
“Ang maganda rin, ang lahat ng 18 na na-pick up namin as of now, wala pang nahawang iba,” ayon pa sa kalihim, sa isang pulong balitaan.
Sinabi pa ni Herbosa na pawang mga bagong kaso ng sakit ang kanilang naitala at walang kaugnayan sa isa’t isa.
Hinala ng DOH chief na posibleng may mga pasyente na tinamaan ng mpox na hindi nagpasuri sa doktor ang nakahawa sa kanila.
Pinayuhan nito ang publiko na kaagad na magpakonsulta sa doktor kung makitaan ng mga sintomas ng mpox.