MANILA, Philippines — Sumiklab ang sunog sa Philippine General Hospital sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma ng alas-6:07 ng umaga, at ikalawang alarma pagsapit ng alas-6:21 ng umaga.
Naapektuhan sa sunog ang audio visual room ng ospita gayundin ang Out Patient Department (OPD) ng PGH, ayon sa Bureau of Fire Protection.
Kinailangang ilikas ang mga pasyente sa OPD na ang ilan ay naka-stretcher at wheelchair.
Kinailangan ding ilikas ang blood donors sa kabilang gusali ng compound dahil na rin sa sunog at usok.
Samantala, sinabi ng Department of Health na handa itong tulungan ang PGH sa paglilipat ng mga pasyente kung kinakailangan.
Ayon sa inisyal na ulat mula sa BFP, nagsimula ang sunog sa isang silid sa ikalawang palapag ng Central Block Building. Idineklarang fire out pasado alas-7:00 ng umaga. Pinayagan ding bumalik ang mga pasyente sa OPD pagsapit ng alas-7:23 ng umaga.