MANILA, Philippines — Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang ‘zero billing initiative’ na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa araw ng kanyang kaarawan noong Setyembre 13, na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pasyente.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang naturang inisyatiba ay isang makasaysayang programang pangkalusugan kung saan magbibigay ng libreng serbisyong medikal ang 22 pampublikong ospital sa bansa.
Matatandaang kasabay ng pagdiriwang ng ika-67 kaarawan ng Pangulo, inilunsad ang inisyatiba na itinuturing na isang mahalagang hakbang sa pagbibigay ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, ayon sa pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, naglaan ang Department of Health (DOH) ng P328 milyon para pondohan ang zero-billing initiative, na sumasaklaw hindi lamang sa mga bayarin sa ospital kundi maging sa mga gamot at iba pang mahahalagang serbisyong medikal tulad ng chemotherapy, dialysis, dental na serbisyo, at mga laboratory procedure.
Ang programang ito ay una na ring naipatupad sa mga malalaking hospital, kabilang na sa National Capital Region, (NCR), Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kasama sa zero-billing program ang walong pangunahing ospital sa NCR, tulad ng National Kidney and Transplant Institute at Philippine General Hospital, pati na rin ang 14 na iba pang ospital na matatagpuan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.