MANILA, Philippines — Aabot sa anim na katao ang naiulat na nasawi, 11 ang sugatan at dalawa ang nananatiling nawawala dahil sa Tropical Cyclone Ferdie na may international name na Bebinca at ang pinaigting na Habagat.
Ito ang iniulat kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno.
Ang apat sa mga nasawi ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ang dalawa pa ay mula naman sa Region 9 (Zamboanga Peninsula).
Nasa 11 katao naman ang nasugatan at dalawa pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap sanhi ng malalakas na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha sa mga apektadong lugar sa bansa.
Nasa 47,166 pamilya naman o katumbas na 203,197 katao ang apektado ng masamang lagay ng panahon sa 292 Barangay partikular na sa Western Visayas at ilang bahagi ng Mindanao Regon.
Nabatid na si Ferdie ay lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Sabado ng hapon pero nagpapatuloy ang mga pag-ulan sa ilang mga lugar sanhi ng southwest monsoon o habagat.