MANILA, Philippines — Matapos ang limang buwang deployment, lumisan na ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), ang flagship vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) lulan ang 60 crew nito na gutom at uhaw na uhaw na nagbalik sa Puerto Princesa City, Palawan.
Batay sa report, apat sa mga crew ay dehydrated na habang isa naman ay may sugat sa hita at ang kanilang mga kasamahan ay nanghihina na rin sa gutom saka sa matinding uhaw matapos naman ang paghaharang ng China Coast Guard sa resupply mission.
Sinasabing ang mga ito ay naubusan na ng malinis na maiinom na tubig at dalawang linggo ng lugaw ang pinagtitiyagaang kainin.
Ayon kay maritime analyst Ray Powell, Director ng Sealight, isang Maritime Transparency Initiative ng Gordian Knot Center for National Security Innovation sa Stanford University sa Estados Unidos, dakong ala-1:00 ng hapon noong Sabado nang lisanin na ng BRP Teresa Magbanua ang Escoda (Sabina Shoal).
Kaagad namang nilinaw ng PCG na ‘humanitarian’ at hindi politikal, ang dahilan kung bakit nagpasya silang i-pullout na ang barko sa pinag-aagawang teritoryo.