MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Bulkang Kanlaon sa Negros ng limang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras na pagsubaybay sa bulkan.
Bukod dito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nagtala rin ang naturang bulkan ng 10, 880 tonelada ng asupre at namonitor ang pamamaga ng bulkan.
Dulot nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs na pumasok ang sinuman sa loob ng 4 km radius Permanent Danger Zone (PDZ) at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dulot nang inaasahang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan.
Ang Kanlaon ay patuloy na nasa ilalim ng alert level 2 na nangangahulugang may abnormal na aktibidad na nagaganap sa loob ng naturang bulkan.
Bunsod nito, umalerto na ang tropa ng Armed Forces of the Philippines-Visayas Command (AFP-VISCOM) kaugnay ng patuloy na pag-aalburuto at banta ng panganib ng Kanlaon volcano sa Western Visayas.