Top NPA Leader sa Mindanao, ex-PUP stude, napatay sa Cagayan
MANILA, Philippines — Kinumpirma nitong Sabado ng Philippine Army na isang college dropout na top leader ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao, at isang amasona na dating estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang kapwa patay matapos makasagupa ang mga sundalo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Bugatay, Peñablanca, Cagayan.
Sa report ni Philippine Army-5th Infantry Division (ID) commander Major Gen. Gulliver Señires, natukoy na ang pagkakakilanlan ang dalawang bangkay na narekober sa isang punerarya sa Cagayan nitong Biyernes.
Sa beripikasyon, natukoy na isa sa napatay ay si Edgar Arbitrario alyas “Ka Karl”, 48-anyos, secretary ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Si Arbitratio ay tubong Davao City, dating Civil Engineering student na nag-drop sa pag-aaral para sumapi sa NPA Movement noong 1990 kung saan nasangkot ito sa maraming insidente ng terorismo sa Compostella Valley at Davao del Norte.
Nawala sa Mindanao si Arbitrario na dumayo naman sa Cagayan upang dito maghasik ng terorismo kasama ang grupo ng mga rebelde na namumugad sa Region II.
Ang amasona ay tinukoy naman sa alyas na “Ka Nieves”, isang estudyante ng PUP sa Sta. Mesa, Manila na huminto sa pag-aaral at namundok kasama ng grupo ni Arbitrario.
Noong Miyerkules ay nakasagupa ng tropa ng 502nd Infantry Brigade ang mahigit sa 10 rebelde sa Brgy. Baliuag at umabot ang bakbakan hanggang sa Brgy. Bugatay, Peñablanca ng nasabing lalawigan na ikinasawi ng dalawang dating estudyante na nalihis ng landas.
- Latest