MANILA, Philippines — Naghain ng motion ang legal counsel ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy upang isailalim ito sa hospital arrest sa Davao City.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Jean Fajardo matapos na mag-file ng “motion to be transferred to a hospital in Davao City” sa Pasig Regional Trial Court Branch 159 ang mga abogado ni Quiboloy.
Batay sa motion na inihain ng kampo ni Quiboloy nais nilang mailipat ang pastor at si Ingrid Canada sa Veterans Memorial Medical Center sa Davao dahil nahihirapan umano ang mga ito sa custodial facility sa Camp Crame dahil sa kanilang iniindang sakit.
Mananatili pa rin si Quiboloy sa PNP Custodial Facility habang nakabinbin ang hirit na hospital arrest.
Inatasan naman ng korte ang PNP na tutukan ang medical check-up nina Quiboloy at Canada kasama ang mga government doctors.
Samantala, naghain na ng comment-opposition ang Department of National Defense (DND) sa Quezon City Hall of Justice para harangin ang paglilipat ng kustodiya ni Quiboloy.
Ayon kay DND Assistant Secretary at Chief of Legal and Legislative Affairs Atty. Erik Lawrence S. Dy, ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy at mga kapwa akusado nito ay mga ‘heinous crimes’ na saklaw na ng hurisdiksyon ng Civil Court at hindi mandato ng AFP na kunin ang kustodiya ng mga suspek na sangkot sa mga criminal case.