MANILA, Philippines — Isang mag-ina sa Bulacan ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagpapatakbo ng abortion clinic.
Kinilala ang 47-anyos na ina at ang kanyang 20-anyos na anak na babae na nasakote sa kanilang tahanan sa Baliuag, Bulacan sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation-Organized at Transnational Crime Division (NBI-OTCD).
Ang grupong nagpapatakbo ng klinika ay di-umano’y lantarang nagpo-promote ng kanilang mga serbisyo online bilang isang “sobrang ligtas” na serbisyo sa pagpapalaglag, na kumpleto sa mga naka-post na mga testimonial mula sa mga nasisiyahang kliyente.
Humingi umano ang mga suspek ng P20,000 para sa kanilang serbisyo, na may bayad para sa mga add-on services.
“P20,000 ang bayad, tapos nagtanong kung ang fetus daw ay dadalhin ba. Nung sinabing hindi na, nanghingi sila ng additional [na] P3,000 para sa paglibing ng fetus. Tapos, plus P2,000 sa after meds, so bali P25,000 lahat ang siningil nila,” ani NBI OTCD chief Attorney Jerome Bomediano.
Sa operasyon, nakuha ng NBI ang marked money at kagamitan na ginamit sa umano’y serbisyo ng pagpapalaglag.
“Medyo nakakatakot talaga kasi yung gagamitin nilang tools, unsanitized.May kalawang pa yung iba doon. Dugyot talaga, tapos yung bed na gagamitin, foam lang na nasa sahig… Siguro yung mga naging kliyente nito, may tendency na nagkaroon ng infection o tetanus kasi unsanitized talaga yung gamit,” dagdag pa.
May pamamaraan din umano ang mga suspek para iligaw ang mga posibleng otoridad sa pamamagitan ng paghiling sa kanilang mga kliyente na makipagkita sa kanila sa ibang lugar bago sila samahan sa clinic.